Mistulang walang pagsidlaan ng kaligayahan ang pamilya ni Michael Christian Martinez matapos ang kanyang performance sa championship sa figure skating sa Winter Olympics sa Sochi, Russia.
Ayon sa ina ni Michael na si Maria Teresa Martinez, ay labis labis ang kanilang kasiyahan at pumasok sa medal round ang anak.
Ito umano ay "dream come true" lalo na at nag-complete siya sa high level competition sa kabila ng napakabata pa niya.
Sa edad na 17-anyos si Michael ang pinakabatang competitor mula sa kabuuang 30 mga kalahok sa iba't ibang dako ng mundo, hanggang sa 24 na lamang ang nag-qualify.
Sa finals ay pang-19 na pwesto si Michael, pero marami siyang pinabilib na mga kababayan at audience sa Russia.
Maging ang Olympic broadcasters ay todo todo ang papuri kay Michael dahil sa determinasyon nito at pagtala ng kasaysayan para sa Pilipinas.
Kung maaalala nagkampeon sa event ni Michael ang pambato ng Japan, sumunod ang atleta mula sa Canada at bronze medal naman ang figure skater mula sa Khazakstan.
Ang naturang mga bansa ay merong winter season pero si Michael ay nagmula sa isang bansa na walang panahon nang pagyeyelo.
Una nang inamin ni Michael na-pressure siya at kinabahan sa ikalawang bahagi ng kanyang performance dahil ilan dito ang mahirap na execution na kanyang ginawa.
Pinabilib ni Michael ang mga manonood sa kanyang mapangahas na ginawa tulad ng tinatawag na triple axels, triple double toes, double flip, at iba pa. Pero nagkaroon sya ng pagkakamali nang mag-landing siya at maitukod ang kanyang kanang kamay matapos ang ginawang triple loop.
Ayon naman kay Mommy Teresa, nagpapasalamat ng husto ang kanyang anak sa mga dasal at suporta na kanyang natanggap sa mga kababayan sa Pilipinas at maging sa mga dayuhan na nag-cheer sa kanya.
Matapos ang kanyang nakakabilib na performance kagabi ay pinag-aagawan si Michael na makapanayam ng international press sa Russia.
Nagmistula na rin itong "media darling."
Marami na rin kasi ang nakakaalam at nakaka-inspire umano ang kwento ng kanyang buhay na nagsimula lamang ang training sa isang mall sa Pilipinas na wala namang yelo, pero ngayon ay umabot na siya sa Winter Olympics dahil lamang sa pagsisikap at pagpupunyagi sa tulong ng kanyang pamilya.
Wala namang pagsidlan ng pagpapaabot ng pasasalamat ang binatilyo sa mga suporta at dasal ng mga kababayan sa iba't ibat dako ng mundo, na siya umanong nagsisilbing inspirasyon sa kanya.
Samantala, magsisilbing 'eye-opener' umano sa mga sports authorities ang kahanga-hangang performance ni Michael Martinez sa Sochi Winter Olympics. Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, dapat matuto ang mga opisyal ng palakasan para alamin ang mga sports events na pagtuunan para matiyak ang medalya at karangalan para sa bansa. Ayon kay Coloma, magiging panawagan din ito sa private sector na makibahagi at mag-ambag din ng suporta bilang augmentation sa maibibigay ng gobyerno. Umaasa naman ang Palasyo na magpapatuloy ang naturang mga suporta kay Martinez para sa maging kuwalipikado ulit sa susunod na Winter Olympics sa 2018 at sa iba pang patimpalak.
Naunang nang nangako na magbibigay ng $10,000 o nasa mahigit P450,000 na gantimpala ang negosyanteng si Manny V. Pangilinan kay Martinez dahil sa ibinigay na karangalan sa Pilipinas.
0 comments:
Post a Comment