Nakatakdang maghain ng motion for reconsideration ang mga petitioner sa kaso ng Cyber Law na idineklara ng Supreme Court na constitutional ang ilang probisyon, habang ang iba naman ay itinuturing na labag sa batas.
Para kay Bayan Muna Partylist Rep. Neri Colmenares, "partial victory at partial defeat" ang kanilang inabot.
Kabilang sa petisyon ng partylist group na nabasura ay ang pag-alis sana ng online libel, habang pinagbigyan naman sila sa hirit na mapagbawalan ang Department of Justice o DoJ na magkaroon ng kapangyarihan na matanggal ang anumang internet post na may maselang paksa.
Para kay Colmenares, kailangang linawin kaagad ng korte ang desisyon dahil baka humantong ito sa mas masalimoot na kalituhan ng publiko.
Una rito, idineklara ng SC na "constitutional" o naaayon sa Konstitusyon ang kontrobersyal na online libel provision sa Cybercrime Law o ang Republic Act 101-75 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Subalit sa inilabas na resolusyon ng SC en banc, binigyang diin ni SC spokesman Atty. Theodore Te, na ang online libel ay para lamang sa orihinal na author o nag-post ng mapanirang artikulo.
Pero "unconstitutional" o hindi dapat kasuhan ang "mag-like" lamang o ang mag-post ng komento sa orihinal na post o artikulo.
0 comments:
Post a Comment