Binigyang-diin ngayon ng Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III mismo na hindi magpa-public apology sa Hong Kong.
Simula ngayong araw, epektibo na ang kanselasyon sa Visa-Free Access ng mga official at diplomatic passport holders sa bansa.
Sinabi ng Pangulong Aquino, iniiwasan nitong magkaroon ng legal liability sa oras na nag-sorry.
Ayon sa Pangulong Aquino, ang China nga ay hindi pa nagbabayad ng kompensasyon sa mga pamilya ng Pilipinong napatay sa mainland China.
Sinabi naman ni Communications Sec. Sonny Coloma, handa ang gobyerno ng Pilipinas na harapin ang nasabing hakbang ng Hong Kong.
Dapat din daw manatiling mahinahon ang mga OFWs sa Hong Kong dahil pangangalagaan ng pamahalaan ang kanilang kapakanan.
Inaalerto na ng ilang kongresista ang Department of Labor and Employment o DOLE para agarang paghandaan ang magiging epekto sa mga OFWs ng sanction na ipinapataw ng Hongkong sa bansa dahil sa hindi paghingi ng paumanhin kaugnay ng Manila Hostage Crisis.
Sinabi ni Valenzuela Rep. Sherwin Gatchalian na kailangang magbalangkas na ng contingency plan ang DOLE sakaling idamay na ng Hongkong sa sanction ang mga Filipinong nagtatrabaho sa kanilang lugar.
Sa kasalukuyan, ang apektado pa lamang ng sanction ay ang mga opisyal ng gobyerno na inoobligang kumuha na ng visa kung papasok sa HK.
Pero sinasabing masusundan pa ang sanctions na ito at pinangangambahang nakahanay nang papatawan ng restriction ang libu-libong OFWs.
Para naman kay Albay Rep. Al Francis Bichara, dapat matigil na ang isyung ito at mag-sorry na lang ang pamahalaan para sa kapakanan ng mga Pinoy Workers.
Para naman sa iba pang kongresista, kailangang makabuo ng alternatibong job markets ang DOLE gayundin ng mga proyekto para sa retraining o skills upgrading ng mga manggagawa.
Samantala, tuluyan nang ipinatupad ngayong araw ng Hong Kong government ang "diplomatic sanctions" nito laban sa Pilipinas, kasunod ng nangyaring hostage crisis sa Luneta noong 2010 na ikinamatay ng walong Hong Kong tourists.
Ayon kay Chief Executive C Y Leung, ang pagbawi nila ng "visa-free access" sa lahat ng mga Philippine diplomatic passports holders ay bilang tugon sa patuloy aniyang pagtanggi ng pamahalaang Pilipinas na humingi ng paumanhin sa nangyari.
Nilinaw naman ng opisyal na hindi apektado ng nasabing sanction ang mga karaniwang Pinoy na bibiyahe ng Hong Kong bagama't sa ngayon ay nanawagan na ang ilang legislative members ng nasabing special administrative region na ipatupad na ang total ban sa lahat ng Phillipine passport holders.
Maliban dito, una nang nagpalabas ang Hong Kong ng "black" travel warning laban sa Pilipinas pagkatapos ng hostage crisis at hanggang ngayon ay hindi pa binabawi.
Sa panig ng pamahalaang Pilipinas, iginiit ng Department of Foreign Affairs na nagawa at nasunod na ng gobyerno ang mga demands ng Hong Kong, kabilang ang kahilingan ng mga pamilya ng biktima't suvivors.
0 comments:
Post a Comment