Hindi na umano magugulat ang abogado ni Vhong Navarro na si Atty. Alma Mallonga kung masusundan pa ang mga babaeng lalantad at magsasabing ginahasa rin sila ng aktor.
Ayon kay Atty. Mallonga, noong unang araw pa lang na humarap sa media sina Cedric Lee at Deniece Cornejo ay ipinangalandakan na ng mga ito na may mga babaeng nakipag-ugnayan sa kanila at lalantad laban kay Vhong.
Nangangahulugan umano ito na may kasunduang namagitan mula kay Lee at sa naturang mga babae.
Kasama na aniya rito ang dating beauty contestant na si Roxanne Cabañero.
Pero kahit ano pa umanong ganda ng pagkakagawa ng kwento ay kitang-kita ang mga sablay dahil hindi ito agtutugma sa naka-record na mga lugar na pinuntahan ni Vhong sa oras na binabanggit ni Cabañero.
Nabatid na lumabas pa sa social networking sites na magkakasama sina Vice Ganda at Vhong sa isang show sa oras na sinasabing nangyari ang rape.
Umaapela naman ng respeto ang kampo ni Cabañero sa publiko, lalo na sa fans ni Navarro.
Ayon kay Atty. Virgilio Batalla, maliban sa mga banta sa complainant, tila nahuhusgahan pa na sila ang may kasalanan at hindi ang taong kanilang inirereklamo.
Pero nagpapakatatag umano si Cabañero dahil alam na nitong masalimoot ang sitwasyon ng paglutang sa publiko.
Pero paglilinaw ni Batalla, hindi sila nakadepende sa merito ng kaso ni Deniece Cornejo at Cedric Lee laban kay Navarro dahil kaya umano nilang maipanalo ang sarili nilang kaso sa pamamagitan ng sariling mga ebidensya.
Nag-demand naman ng apology ang aspiring beauty queen na si Roxanne Cabañero mula sa TV host-actor na si Vhong Navarro.
Ito ay kaugnay sa umano'y panggagahasa sa kaniya ng aktor noong 2010.
Sa kaniyang pagharap sa media, sinabi ni Cabañero na gusto niyang magpaliwanag ang TV host kung bakit daw siya inabuso at binaboy at mag-apologize.
Sinabi pa ng Cebuana beauty queen na ang panghahalay daw sa kaniya ni Vhong ang "most horrific moment" ng kaniyang buhay.
Bagama't inamin naman ni Cabañero na pagkatapos ng sinasabi nitong rape ay patuloy ang palitan nila ng text ng aktor.
Sa kaniyang sworn affidavit, sinabi ni Roxanne na nang sumali siya sa Ms. Bikini Philippines, nag-guest sila sa program ni Navarro kung saan isang staff ng show ang kumuha sa kaniyang cellphone number sa utos ng TV host. Una ay nasorpresa raw siya pero natuwa rin dahil hindi akalaing magkakainteres makipagkaibigan ang isang sikat kagaya ni Vhong.
Noong April 24, 2010, nag-text sa kaniya ang isang nagpakilalang Vhong Navarro at sinabihan na magkita sila sa kaniyang hotel room sa Astoria Plaza sa Ortigas ngunit hindi siya pumayag dahil may kasama siyang ibang contestants.
Kaya niyaya na lang daw siya magkape at sinundo ng aktor ilang metro mula sa kaniyang hotel.
Pero hindi rin sila tumuloy sa coffee shop sa halip paikot-ikot lang sila sa Ortigas.
Habang nagkukuwentuhan hinihimas daw ng aktor ang kamay at binti ni Cabañero.
Sa ilalim ng isang punongkahoy ay inihimpil daw ni Navarro ang sasakyan at gusto na niyang bumaba ng kotse pero pinigilan siya ni Vhong kaya napapayag din sa kondisyong tigilan nito ang paghimas sa kaniyang binti.
Habang nakikinig ng music sa sasakyan tuloy daw ang paghimas ni Vhong at hinubad ng aktor ang shorts nito.
Ayon kay Cabañero, na-shock siya at pinilit bumaba ng sasakyan pero hinablot daw siya ng aktor at sapilitang inginudngod ang mukha sa kaniyang ari upang mag-perform ng oral sex.
Dito na raw siya umiyak at tinakot siya ng aktor na huwag papalag dahil nasa unahan lang nila ang mga tauhan nito.
Sa huli ay nagtagumpay daw ang aktor na magahasa siya sa passenger seat ng sasakyan habang siya'y nagpupumiglas.
Bago ihatid sa kaniyang hotel, binalaan pa raw siya ni Navarro na kapag lumabas sa publiko ang nangyari, magiging kawawa lang siya.
Inamin naman ng negosyanteng si Cedric Lee na kaniya ngayong tinutulungan ang aspiring beauty queen na si Roxanne Cabañero sa kasong rape na isinampa laban sa TV host-actor na si Vhong Navarro.
Subalit binigyang diin ni Lee na hindi niya kilala ang tubong Cebu na si Cabañero.
Wala rin umano siyang kinalaman sa paglantad nito upang kasuhan si Navarro gayung 2010 pa nangyari ang sinasabi nitong rape.
Ayon kay Cedric, nakita na lamang niya sa telebisyon si Cabañero at ang abogado nito na si Atty. Virgilio Batalla.
Nakipag-ugnayan daw ang kaniyang abogado sa kampo ni Cabañero para alukin ito ng tulong at suporta para magkaroon sila ng collaboration.
Giit pa ni Lee, walang masama kung tulungan niya si Cabañero dahil kaibigan daw niya ang kaaway ng kaniyang kalaban.
Samantala, matapos ang preliminary investigation kahapon ng Department of Justice kung saan submitted for resolution na ang mga kaso na isinampa ng aktor laban sa kanila ni Deniece Cornejo matapos ang pambubugbog nila kay Navarro, sinabi ng negosyante na handa nilang harapin ang magiging desisyon.
Hindi na rin naman daw siya umaasa ng patas na pagdinig sa kaso, kung pagbabasehan ang ginawang pagbasura ng panel of prosecutors kahapon sa lahat ng mosyon nila.
Tahasang itinanggi ng kampo ni Vhong Navarro ang panibagong alegasyong rape laban sa TV host-actor.
Ayon sa abogado ni Navarro na si Atty. Alma Mallonga, kilala ng aktor si Cabañero.
Pero iginiit ni Mallonga na walang nangyaring rape.
Hanggang ngayon daw ay hindi pa nila hawak ang kopya ng reklamo at kanila pa itong pag-aaralan.
Sa kaniyang sworn affidavit sinabi ni Cabañero na nangyari ang panggagahasa sa kaniya ni Vhong noong April 24, 2010 sa loob ng kotse ng aktor sa Ortigas.
Subalit ngayon pa lang tinukoy na ni Atty. Mallonga ang mga posibleng mangyari matapos lumabas ang report na noong gabing naganap ang sinasabi ni Cabañero na panghahalay, nasa concert si Navarro sa Cavite kasama si Vice Ganda.
Pero ingat daw muna sila magbigay ng pahayag hangga't hindi nila hawak ang kopya ng reklamo.
0 comments:
Post a Comment