Sa pagbisitang ginawa nina Department of Interior and Local Government Sec. Mar Roxas, Department of Tourism Sec. Ramon Jimenez, Department of Environment and Natural Resources Sec. Ramon Paje at mga lokal na opisyal, napag-alaman na 93 porsyento ng mga resort owners sa Boracay ang sumunod na sa 25+5 meter easement rule kung saan nagsagawa ang mga ito ng self-demolition sa ipinatayong istraktura na lagpas sa 30 metro mula sa dagat.
Ayon kay Roxas mahigit sa 200 resorts pa rin mula sa Station 1 hanggang Station 3 ang nadiskubreng hindi sumusunod sa naturang patakaran na nakapaloob sa 5-year Boracay Redevelopment Plan batay sa Proclamation 1064 na inaprubahan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Binigyan ng hanggang sa Marso 15, 2014 ang mga pasaway na resort owners na hindi pa rin sumusunod sa 25+5 meter easement rule para sumunod sa kautusan.
Sa oras na mabigo ang mga itong sumunod sa kautusan ay muling kikilos ang local government unit upang tibagin ang anumang istraktura.
Matatandaan na noong nakaraang taon ay sinimulan nang gibain ng Boracay Redevelopment Task Force ang mga illegal structures sa front beach.
Ang task force ay iniutos ni Pangulong Benigno Aquino III para matiyak ang kaayusan sa Boracay.
Ito ay binubuo ng DOT, DILG at DENR.
Sa ilalim ng 25+5 easement, dapat ay 25 metro ang bakanteng lupa para sa mga turista at residente at dagdag na limang metro na madaanan sa front beach.
0 comments:
Post a Comment