Isa ang patay habang 30 ang sugatan sa nangyaring pagtagilid ng isang truck sa bayan ng Bani sa lalawigan ng Pangasinan.
Ayon sa Bani-PNP, papunta ang truck sa Surip Beach nang mawalan ito ng preno at sumadsad sa gilid ng kalsada hanggang sa tuluyang tumagilid na naging dahilan para tumilapon ang mga sakay nito.
Umaabot sa 54 katao ang sakay ng truck at ang mga ito ay pawang magkakamag-anak na may kasamang mga bata at matanda.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, pababa umano ang truck at dahil pinaniniwalaang overloaded ang sasakyan ay nahirapang magpreno.
Wala naman umanong kasalubong ng sasakyan kaya inaalam ngayon ng mga imbestigador kung mechanical problem o pagkakamali ng drayber ang sanhi ng insidente.