Dalawang Pinoy ang nakaligtas sa lumubog na barko sa karagatan ng South Korea sakay ang nasa mahigit 400 pasahero.
Ito ang kinumpirma ni Bobby Dela Cruz ang Officer on Duty sa Philippine Embassy na nakabase sa Seoul, South Korea.
Ayon kay Dela Cruz, kasalukuyang nasa pagamutan ngayon ang dalawang hindi pa pinangalanang Pinoy na kapwa entertainer.
Nilinaw naman ni Dela Cruz na walang Pinoy na kabilang sa halos 200 nawawala sa lumubog na barkong 'Sewol'.
Bagamat sa ngayon ay patuloy ang monitoring ng Philippine Embassy sa search and rescue operation sa mga nawawala.
Sa ulat na natanggap ng embahada, siyam na ang bilang ng mga nasawi, nasa 190 ang patuloy na pinaghahanap habang nasa 174 pang nailigtas.
Sa inisyal na impormasyon, bumangga umano ang barko sa mabatong bahagi ng karagatan na siyang dahilan ng paglubog nito.