Dalawang kasapi ng rebeldeng New People’s Army o NPA ang patay kasunod nang sagupaan sa pagitan nila ng mga sundalo ng 79th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Negros Oriental.
Nangyari ang engkwentro dakong alas-7:30 kahapon nang umaga sa Sitio Makasakasa, Brgy. Balayong, Pamplona habang nagsasagawa ng combat operation ang tropa sa pamumuno ni 2Lt. John Tumamao.
Sinasabing kanilang nakasagupa ang may limang kasapi ng NPA. Tumagal ng halos 20 minuto ang palitan ng putok sa magkabilang panig hanggang sa tumakas ang mga kalaban sa iba’t ibang direksiyon at naiwan ang dalawang bangkay ng kanilang kasamahan.
Narekober din sa lugar ang limang M16 rifles, isang M203 grenade launcher at ilang personal na kagamitan ng mga rebelde.
Kaugnay nito, kaagad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang tropa na nagresulta naman sa pagkahuli ng isang mataas na lider ng NPA na sugatan kaya agad na dinala sa pagamutan.
Una rito, nakatanggap ng mensahe ang mga sundalo kaugnay sa presensiya ng armadong grupo sa isang bahay ng hindi nakilalang mga residente at naghihintay umano nang makakain.
Kaagad na rumisponde ang mga sundalo at nagsagawa ng negosasyon para sa matahimik na pagsuko sana ng mga ito.
Ngunit putok lamang ng mga baril ang kanilang iginanti na siyang pinagmulan na nang sagupaan.
0 comments:
Post a Comment