Napasakamay ng mga otoridad ang isa sa kinikilalang most wanted sa lalawigan ng Cebu matapos matunton ang kinaroroonan nito dahil sa "selfie post" sa Facebook.
Ayon kay S/Insp. Romel Luga, hepe ng Station 6 ng Mandaue City Police Office, kanyang sinabi na natukoy nila ang most wanted sa batas na si NiƱo Cueva, 20-anyos, isang habal-habal driver at residente ng Brgy. Casili, lungsod ng Mandaue, Cebu matapos matukoy ang background ng "selfie photo."
Ayon kay Luga, ang "selfie photo" ay may background na isang malaking rebolto ng Shrine of Our Lady of the Miraculous Medal na matatagpuan sa Brgy. Lapaz, lungsod ng Bogo, Cebu.
Dahil dito, nakipag-ugnayan kaagad ang mga pulis ng Mandaue City sa Bogo City Police Office para maisilbi ang warrant of arrest na naunang inilabas ni RTC Judge Rafael Yrastorza noong 2012 sa kasong abduction with rape in relation to Republic Act 7610 o child abuse law.
Batay sa record ng kaso noong May 2012 ay naging pasahero ng suspek ang biktima na isang mag-aaral sa high school na pauwi na sana sa kanilang tahanan pero sa halip na iuwi ay sapilitang dinala ng suspek sa liblib na lugar at doon na ginahasa.
Sa ngayon dinala na sa Mandaue City Police Office ang suspek mula sa Bogo City na may layong walong oras din ang biyahe.
0 comments:
Post a Comment