Tatlong katao ang nasawi matapos tamaan ng kidlat sa gitna ng masamang panahon kahapon sa Antique.
Napag-alaman na malakas ang ulan sa lalawigan kahapon at madalas ang pagkidlat.
Natamaan ng kidlat habang nasa gilid ng dagat sa Brgy. Magkalon, San Jose, Antique si JV Alulon, 19-anyos, sunog ang katawan na isinugod pa sa Angel Salazar Memorial General Hospital subalit idineklarang dead on arrival.
Patay din matapos tamaan ng kidlat ang mag-amang Orlando Mirasol Sr., 49-anyos, at Orlando Mirasol Jr., 29-anyos, sa Brgy. Bungsod, Valderama, Antique.
Sakay sa bangka ang mga biktima na patawid sana ng ilog nang tamaan ng kidlat.
Sunog din ang katawan ng mag-ama at hindi na naisugod pa sa ospital.
Kasama ng mga ito ang anak na babae subalit ito ay nakaligtas sa tama ng kidlat.