Gumawa ng kasaysayan ang Philippine Football Team Azkals, matapos pasok na sa finals ng 2014 AFC Challenge Cup na ginaganap sa Maldives.
Tinalo ng Azkals ang host country Maldives, sa extra-time sa eskor na 3-2, sa makapigil hiningang laban.
Ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng Azkals na makapasok sa finals ng isang International Tournament.
Sa unang limang minuto pa lamang ng laro, ipinakita na ng Azkals na dominado nito ang laban.
Ilang attempts kaagad sa goal ang ginawa ng Pilipinas.
Binuksan ng Azkals striker na si Phil Younghusband ang scoring sa kaniyang goal sa ika-19 minuto ng laro.
Ito na ang ika-36 international goal para kay Younghusband at pangalawa para sa tournament.
Ang Pinoy dribblers ang dumidikta sa tempo ng laro kung saan hindi makababa ang opensa ng Maldives.
Sa kalagitnaan ng first half, sinubukan ng Maldives na sabayan ang laro ng Pilipinas.
Naitabla ng Maldives ang goal sa 36th minute, 1-1.
Ngunit kaagad itong sinagot ng Azkals sa pamamagitan ng goal ni Jerry Lucena sa 38th minute.
Nagtapos ang first half na lamang ang Pilipinas, 2-1.
Sa second half, lalong naging agresibo ang Maldives partikular sa counterattack.
Nabigyan sila ng penalty kick sa ika-54 minuto ng laro na na-save ng Azkals keeper na si Roland Mueller.
Pagsapit ng 66th minute, naitabla ng Maldives ang score, 2-2.
Kapwa nagpakita ng matibay na depensa ang dalawang koponan hanggang matapos ang regulation time o 90th minute na tabla ang dalawang koponan.
Dahil dito, binigyan ng extra time na 30 minuto ang dalawang koponan.
Bumagal ang atake ng Maldives dahil pagod na rin.
Sa ika-14 minuto ng extra time, ibinigay ni Chris Greatwich ang goal na siyang nagselyo sa panalo ng Pilipinas.
Dalawang minuto ang nalalabi sa laro, 10 na lang ang miyembro ng Azkals sa pitch dahil sa injury.
Bunsod ng mataas na emosyon dahil sa pressure, nagkainitan ang dalawang koponan kung saan nagkaroon ng komosyon sa pitch bunsod ng ilang contacts sa mga manlalaro.
Sa huli nangibabaw ang determinasyon ng mga Pinoy na nagpatahimik sa hostile na homecourt crowd.
Mistulang ganti na rin ito ng Pilipinas sa Maldives na siyang tumalo sa kanila sa 2010 Challenge Cup qualifiers, 3-2.
Maaala na noong 2012 ay nagtapos lamang ang Azkals sa pangatlong puwesto.
Isa sa malaking hamon na hinarap ng Pilipinas ang homecourt advantage ng Maldives at maraming injured players.
Hindi nakalaro sina Neil Etheridge na first choice goalkeeper, Juanni Guirado, Dennis Cagara na ni-recall ng club sa Denmark at maging si Stephan Schrock na sa huling bahagi na ng second half pumasok dahil sa iniindang hamstring injury.
Makakaharap ng Pilipinas sa finals ng 2014 Challenge Cup ang Palestine, sa laban na gagawin sa darating na Biyernes, alas-11:30 ng gabi, oras sa Pilipinas.
Ang magiging kampeon sa Challenge Cup ay maglalaro sa 2015 Asian Cup na gaganapin sa Australia.