Ngayong papalapit na ang panahon ng tag-ulan, nag-isyu ng tips ang Department of Health o DOH upang mapigilan ang pagkalat ng sakit na influenza o flu.
Sa Facebook account ng DOH, ipinaliwanag nito na ang influenza ay isang viral infection na umaatake sa respiratory system at kakaiba sa stomach flu virus na nagiging sanhi ng diarrhea at pagsusuka.
Ayon sa DOH, madaling dapuan ng flu ang mga bata, matatanda, mga buntis at mga taong mahina ang immune system o resistensya.
Maaari umanong maipasa ang sakit sa pamamagitan lamang ng pag-ubo o pangbahing.
Maikakalat din ang flu sa pamamagitan nang pagkakaroon ng kontak sa mga bagay, gamit o damit na kontaminado ng mga discharge ng isang taong infected ng flu.
Kabilang sa mga sintomas nito ay lagnat na hanggang 38 degrees Celsius, pananakit ng ulo, Runny nose, sore throat, ubo at iba pang respiratory manifestations at pananakit ng muscle at kasu-kasuan.
Maaari itong gamutin sa pamamagitan ng pag-inom ng antiviral agents, tulad ng oseltamivir o zanamivir, sa unang dalawang araw.
Makatutulong ito upang mapaikli ang panahon ng pagkakasakit at maiwasan ang seryosong kumplikasyon.
Mainam rin kung magkakaroon ng sapat na pahinga, iinom ng maraming tubig at kakain ng masusustansyang pagkain.
Para sa lagnat ay maaaring uminom ng paracetamol ngunit hindi umano dapat na bigyan ng aspirin ang mag bata.
Dapat umanong magbigay ng antibiotics para sa kumplikasyon lamang ng influenza, tulad ng pneumonia o otitis media.
Mas makabubuti rin umano kung magpapabakuna laban sa influenza taun-taon at umiwas sa matataong lugar.
Kung batid naman umanong may mga taong may sakit ay panatilihin ang distansya mula sa mga ito ngmula isang metro upang hindi mahawa ng karamdaman.
Pinayuhan din ng DOH ang mga tao na magtakip ng bibig at ilong kung babahing o uubo upang hindi na maikalat ang taglay nilang virus.
Dapat din umanong ugaliing maghugas ng kamay gamit ang tubig at sabon para matiyak na ligtas sa sakit.