Inilampaso ng Pilipinas ang Chinese-Taipei sa kanilang laro sa nagpapatuloy na AFC President’s Cup na ginaganap sa Panaad Park and Stadium kagabi, May 8.
Ang Pilipinas na kinakatawan ng Ceres-La Salle Football Club ay nanalo laban sa Tatung Company ng Chines-Taipei, sa score na 2-0.
Unang nagbigay ng score ay ang number 29 forward na si Patrick Alcala Reichelt sa first half ng match at ito ay dinagdagan ni player number 9 Juan Guirado sa natitirang apat na minuto ng laro sa 2nd half.
Sina Reichelt at Guirado ay kapwa player mula sa Philippine Football Team Azkals.
Makailang beses din na tinangka ng Chinese-Taipei na maka-score ngunit naharangan ng goalkeeper na si Louie Michael Casas ang bola.
Napag-alaman na nanghinayang si Casas sa kanilang laro noong Martes laban sa North Korea kung saan dalawang beses na naka-score ang kalaban at nauwi sa draw ang resulta.
Bukas, araw ng Sabado ay makakaharap ng Philippine Team ang Turkmenistan na siyang defending champion sa 2013 AFC President’s Cup.