Ipinagmalaki ngayon ni Government Peace Panel Chairperson Miriam Coronel-Ferrer na buo ang loob ng Moro Islamic Liberation Front o MILF na magkakaroon ng pagbabago o tinatawag na "transformation" kung kaya't naging matagumpay ang negosasyon sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas.
Ayon kay Ferrer, target na maisusumite sa Kongreso sa darating na buwan ng Mayo ang basic law upang magtatag ng Bangsamoro entity.
Ito ay maliban pa sa pagtatag din ng political party na siyang lalahok sa halalan sa 2016.
Inihayag ni Ferrer na malaki ang kumpiyansa ng MILF kay Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III kaya't napagkasunduan ng dalawang panig ang huling bahagi ng kasunduan.
Nabatid na kahapon nagkasundo ang gobyerno ng Pilipinas at MILF sa huling usapin ng ika-apat na annex sa ginanap na 43rd Exploratory Talks sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Iniulat ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda mula sa Malaysia, na pinagtibay ng magkabilang panig ang annex on normalization at addendum to Bangsamoro waters.
Tinawag naman ni Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Deles ang "breakthrough" na regalo sa mamamayan.
Nagkataon pa umano na bagong taon, ay nagsisilbi rin itong bagong pag-asa para sa kapayapaan sa Mindanao.
Kung maaalala, ang iba pang mga annex na una nang pinagtibay ay ang usapin sa transition modality, wealth sharing, power sharing at ngayon nga ay ang normalization annex.
Ang normalization annex ang magdedetalye sa proseso kung papaano mamumuhay ng payapa (decommission) ang MILF members matapos ang armadong pakikibaka at ang kanilang mga komunidad.
Liban sa pirmahan sa Malaysia kasama ng third party facilitator, magkakaroon din ng pirmahan dito sa Pilipinas kaugnay sa Comprehensive Agreement on Bangsamoro na nakapaloob na ang buong kasunduan.
Bago malagdaan ang Final Peace Agreement ay saka isusulong naman sa Kongreso ang Bangsamoro Basic Law na aaprubahan ni Pangulong Aquino para maging urgent bill.
Inaasahang tatapusin sa buwan ng Abril ng binuong Bangsamoro Transition Commission ang Bangsamoro Basic Law bago isumite sa Pangulong Aquino.
Kapag lumusot na sa Kongreso ang naturang panukalang batas ay isusunod naman ang plebisito at ang ganap na pagkakatatag sa Bangsamoro kapalit ng Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM.
0 comments:
Post a Comment