BACOLOD CITY - Naka-confine ngayon sa ospital dito sa lungsod ng Bacolod ang dalawang sugatan na Foreigner na nabiktima ng pananaksak sa Brgy. Alijis, Bacolod City kagabi.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Jacob Nicholas Nap, 60-anyos, at si Robertos Teodoros Mariamons, 51-anyos, ng Netherlands ngunit pansamantalang nakatira sa Purok Dubai, Brgy. Alijis.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, selos ang motibo sa naturang krimen.
Sinasabi na nagselos umano ang suspek na si Ricky Bonifacio, 46-antos, tubong Capiz, dahil madalas umanong sumasama ang kanyang live-in partner na si Grace Dalag, 26-anyos, sa kapatid nitong si Alma Dalag, 29-anyos, na siyang asawa ni Nap at namamasyal kasama si Mariamons.
May hinala ang suspek na nirereto ni Alma si Grace kay Mariamons na kaibigan naman ng kanyang mister.
Kagabi ay nakita umano ni Bonifacio ang apat na masayang nag-iinuman sa isang tindahan kaya sinaksak nito si Mariamons at nang inawat ni Nap ay sinaksak din nito.
Nagpapatuloy pa ang paghahanap ng pulisya kay Bonifacio.
Hinigpitan na rin ang pagbabantay sa mga pier dahil sa posibleng tatakas ito pauwi sa kanilang lugar sa Capiz.
0 comments:
Post a Comment