Kaagad sinibak sa posisyon ni Department of Environment and Natural Resources o DENR Executive Regional Dir. Jim Sampulna ang dalawang opisyal ng ahensya kasunod ng nangyaring illegal logging sa Bulabog Putian National Park sa Brgy. Lincud, Dingle, Iloilo.
Napag-alaman na umabot sa P25 milyon ang halaga ng mga pinutol na puno habang anim naman na illegal loggers ang naaresto ngunit nakalabas rin dahil hindi agad nasampahan ng kaso.
Ito ang dahilan kung bakit sinibak ng Regional Director ang pinuno ang Community Environment and Natural Resources o CENRO na nakabase sa bayan ng Barotac Nuevo, Iloilo sakop ang 17 bayan sa Iloilo na si Cynthia L. Blancia at ang Superintendent ng Bulabog Putian National Park na si Marivic L. Buñag.
Kasunod ng pagsibak, inatasan ng Regional Director ang legal office ng DENR na magsagawa ng imbestigasyon sa kapabayaan ng mga tauhan ng DENR dahilan para hindi kaagad naisampa ang kaso laban sa mga naaresto at nakalabas ang mga ito ng kulungan.
Kabilang din sa aalamin sa imbestigasyon kung sino ang nasa likod ng illegal logging sa national park.
Ayon sa direktor, kapag napatunayang may kapabayaan ang mga opisyal ng DENR, posibleng masuspindi o tuluyang mapaalis ang mga ito sa trabaho.