Isinailalim na ang buong lalawigan ng North Cotabato sa state of calamity dahil sa nangyaring cholera outbreak sa bayan ng Alamada, pananalasa ng buhawi at ang epekto ng tag-init sa unang bahagi ng taon.
Ito ay makaraang, inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ng North Cotabato ang naging rekomendasyon ni Governor Emmylou Mendoza at ng Provincial Disaster Risk and Reduction Management o PDRRMC.
Ayon kay PDRRM Senior Officer Cynthia Ortega, ang nasabing deklarasyon ay may layunin na magamit ng probinsya ang emergency response fund upang matulungan ang mga naging biktima ng cholera outbreak at iba pang sektor na apektado rin ng buhawi, at tag-init sa lalawigan.
Dahil dito, ipapalabas na ang P22 million na emergency response fund ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council o PDRRMC sa lalawigan ng North Cotabato.