Labis na ikinaalarma ang ulat na talamak na cybersex na kinahuhumalingan ng mga menor-de edad sa bansa sa kabila ng Republic Act No. 9775 o ang “Anti-Child Pornography Law of 2009”.
Ayon kay Sen. Bam Aquino, kasama ang Pilipinas sa unang 10 mga bansa na may talamak na cybersex activities na ang mga biktima nasa edad 10 hanggang 14.
Base aniya sa ulat ng Philippine National Police o PNP, ang 31 lalawigan sa bansa ay kabilang sa cybercrime “hotspots” dahil sa talamak na cybersex.
Kamakailan, may 58 na Pinoy ang naaresto kaugnay sa “sextortion”.
Tinatakot aniya nila ang mga biktima na ikakalat ang hubad na larawan at video sa internet kung hindi sila magbibigay ng malaking halaga.
Aniya, sa ilalim ng batas, bawal ang sinoman na gumamit at pumilit sa isang bata na gumawa ng anomang aktibidad na may kinalaman sa sex, maging ito man ay visual, audio o nakasulat at ikalat ito sa anomang paraan.
Maliban dito, isa ang Pilipinas na lumagda sa United Nations Optional Protocol to the Convention on the Rights of the Child ukol sa pagbebenta ng mga bata, child prostitution at child pornography.
Dahil dito, inihain ni Aquino ang isang resolusyon na layong imbestigahan ang paggamit sa mga bata ng cybersex syndicates at ang tamalak na online child pornography.
Naniniwala si Aquino na susi sa pagpigil sa nasabing iligal na operasyon ang pagiging mapagbantay ng taumbayan.