MANAPLA - Nahaharap sa kasong homicide ang tatlong apo pagkatapos patayin ang kanilang 73-anyos na lolo sa bayan ng Manapla, Negros Occidental.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Rene Boy Samanyon, 24-anyos; Joemar Samanyon, 27-anyos, at Marlon Samanyon Jr. residente ng Brgy. Punta Salong, Manapla.
Napag-alamang dead on arrival sa Silay City Provincial Hospital ang biktima na si Romeo Ramirez, may asawa at residente ng nabanggit na lugar matapos magtamo nga maraming sugat sa katawan bunga ng paghampas ng kahoy.
Batay sa imbestigasyon, nag-aaway umano ang mga suspek at si Gaspar Ramirez, 41-anyos, na anak ng biktima kung saan pinagtutulungan umano ng mga ito ang kanilang tiyuhin.
Dahil dito umawat ang lolo at siya ang napagbuntunan ng galit na nagresulta sa kanyang kamatayan.