Hindi umano maalala ng isang ama kung paano niya napatay ang kaniyang anak na babae at ginawa pang profile picture sa kaniyang Facebook account ang larawan ng duguang biktima.
Sinabi ni Mark Alvin Manliclic na ngayon ay nakakulong na, nakita na lang niya na umaagos na ang dugo mula sa leeg ng pitong taong gulang na si Angel Mark Cathlene at tumakbo siya sa labas para ipaalam sa mga kamag-anak ang nangyari.
Ayon kay C/Insp. Rodelio Marcelo, hepe ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit, noong Lunes ng gabi, nag-away si Manliclic at misis na ngayon ay nagtatrabaho sa Canada at nagbantang patayin ang kanilang anak.
Nagalit daw ang suspek na hindi nasagot ng misis ang ilang mensahe niya sa Facebook at papatayin ang anak kapag hindi ito umuwi ng Pilipinas.
Nagtangka rin mag-suicide ang salarin pero napigilan ito ng anak at nang Lunes nga ng umaga ay ang anak ang napatay ni Manliclic matapos itong pagsasaksakin sa loob ng kanilang tahanan sa M. Aquino Street, Barangay Sta. Lucia sa Quezon City.
Pagdating ng pulisya sa tahanan ng suspek, nakita pa ng mga ito ang nakabukas na Facebook account ni Manliclic kung saan naka-upload ang larawan ng anak na duguan at walang buhay habang sa nakabukas na chat window ay inamin ng suspek sa kaniyang ina na nasa Amerika, na pinatay nito ang sariling anak.