Patay ang apat na rebelde nang lusubin ng mahigit 100 New People’s Army o NPA ang Police Station sa North Cotabato kahapon ng madaling-araw.
Nasugatan sa insidente ang hepe ng President Roxas Municipal Police Station na si S/Insp. Bernabe Rubio nang makipagpalitan ng putok sa mga rebelde alas-3:30 kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay S/Supt. Danilo Peralta, Provincial Director ng North Cotabato, planado ang pag-atake ng mga rebelde ngunit agad nakaresponde alas-4:00 kahapon ng madaling-araw ang mga tauhan nito na nagresulta sa pagkamatay ng apat na mga NPA matapos na marekober ang kanilang mga bangkay.
Narekober malapit sa police station ang isang elf truck na ginamit ng mga rebelde, isang M-14 at isang M-16 armalite rifle.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang hot pursuit operation ng pulisya sa mga tumakas na mga rebelde.
Nanatili namang nasa hightened alert ang President Roxas Municipal Police Station dahil sa pangyayari.