Hawak ngayon ng militar sa Thailand si dating Prime Minister Yingluck Shinawatra.
Sinabi ng aid ni Yingluck na si Wim Rungwattanachinda na kabilang ang napatalsik na prime minister sa higit 100 politicians na ipina-summon ng military junta na siyang may kontrol ngayon ng bansa matapos kinudeta ang gobyerno at nagdeklara ng Martial Law.
Ayon kay Wim, kabilang sa tumungo sa army compound sa Bangkok si Yingluck pero matapos ang 30 minuto ay inilabas ito ng pasilidad.
Dinala umano ang dating Prime Minister sa isang lokasyon, ng mga sundalo.
Hindi malinaw ang intensyon ng junta sa pagpa-summon sa mga opisyal ng gobyerno bagama't karamihan sa mga ito ay nananatiling hawak pa ng militar.
Walong mga dating Cabinet ministers pa lang ang pinalaya.
Ayon pa sa ulat, ilang miyembro rin ng pamilya ni Yingluck ang ikinulong umano ng militar kasama ang dating lider.
Una rito, nagpalabas ng kautusan ang junta na pumipigil sa 155 na mga indibidwal sa Thailand na lumabas ng bansa.
Una nang iginiit ng militar na ang kudeta ay paraan para mapanatili ang kaayusan at maibalik umano sa normal ang sitwasyon sa Thailand sa gitna ng umiigting na political crisis.