Babae umano ang sinasabing dahilan ng away nina Undefeated Boxer Floyd Mayweather Jr. at rapper na si T.I. o Clifford Joseph Harris Jr. kagabi sa isang restaurant sa Las Vegas.
Ayon sa report, posibleng ang misis ni Harris na si Tiny ang dahilan sa panunugod ng rapper sa boksingero habang ito'y kumakain sa fastfood.
Bago ang insidenteng ito ay nag-i-enjoy daw ang misis ni Harris kasama si Mayweather kung saan nag-post pa ito ng larawan nila ng anak ng boksingero sa kaniyang Instagram account.
Magkasama raw sina Mayweather at Tiny habang ang rapper ay nagho-host ng party sa isang kilalang bar.
Sa casino pa lang umano ay nagbitaw ng maanghang na salita si Floyd Jr. kay Harris.
Nang pumasok ng Fatburger ay pinagmumura raw ni Harris si Mayweather.
Sinugod ng rapper ang boksingero sanhi upang daluhan ang mga ito ng kani-kanilang bodyguards at dito na nagsimula ang gulo.
Batay sa kuhang video, lumipad ang mga upuan at nang dumating ang mga pulis ay paalis na si Mayweather habang wala na sa restaurant ang rapper na mas naunang umalis.