Tiniyak ng Department of Education o DepEd na may sapat na silid-aralan at guro sa mga dagdag na estudyante na papasok sa public schools sa susunod na buwan.
Tiniyak ni Education Spokesman Assistant Secretary Jesus Mateo na inaasahan nilang tataas pa sa mahigit 21 milyong elementary at high school students ang magbabalik eskuwela dahil sa mga maglilipatan mula sa mga pribadong paaralan.
Umapela si Mateo sa mga magulang na sundin ang ipinatupad na early enrollment ng DepEd tuwing Enero para matantiya nila ng maaga kung gaano kalaki ang kakulangan sa mga silid-aralan at guro.
Nakiusap naman ang Malakanyang sa Alliance of Concerned Teachers o ACT na huwag isabotahe ang pagbubukas ng klase sa Hunyo 2.
Sa gitna na rin ito ng bantang mass leave ng mga pampublikong guro kapag hindi dinagdagan ang kanilang suweldo.
Ayon kay Education Secretary Armin Luistro, hindi sila kontra sa dagdag na take home pay ng mga pampublikong guro basta’t matiyak lamang na may sapat na pondo.
Kinikilala ng gobyerno ang karapatang maghayag ng mga guro subalit dapat matiyak na hindi maaapektuhan ang paghahatid ng serbisyo sa mga mag-aaral dahil may karapatan din ang mga itong matuto at mapalago ang karunungan.
Iginigiit ng ACT na taasan ang kanilang basic pay at gawing P25,000 mula sa kasalukuyang P18, 500 habang gawing P15,000 ang minimum wage ng mga ordinaryong kawani ng gobyerno.