Tiniyak ng Malakanyang na tutuparin ng Philippine Health Insurance o PhilHealth ang kanilang pangako na babayaran ang mga pribadong opsital sa loob lamang ng 60 araw.
Sa katunayan ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, nakausap niya si Dr. Rustico Jimenez, pangulo ng Private Hospital Association of the Philippines o PHAPI at sinabi nito na may commitment na ang regional offices ng PhilHealth na bilisan ang pagbabayad sa mga pribadong ospital bago pa nila ituloy ang kanilang banta na pagbayarin na ang kanilang mga pasyente na PhilHealth card holders.
Sinabi pa rin niya na nagbago na ng sistema ang PhilHealth kaya’t nagkaroon ng ganitong aberya sa mga pribadong ospital.
Pinalagan naman ni Sec. Lacierda na may problema sa mga opisyal ng PhilHealth o sa management nito kaya’t nagkaroon ng ganitong usapin.
Sa kabilang dako, sinabi ni Sec. Lacierda na nananatili ang commitment ng pamahalaan na bayaran ang kanilang obligasyon sa mga pribadong ospital.
Naantala lamang aniya pero ang commitment ng gobyerno ay ang pabilisin ang payment system bukod pa sa may commitment naman talaga aniya ang gobyerno na bayaran ang nararapat sa isang ospital.
Samantala, wala namang sisibakin sa puwesto dahil lamang sa aberyang ito.
At ang dahilan ni Sec. Lacierda ay dahil sa may nagaganap namang mabilisang sistema at patuloy nilang tinitingnan ang tinatawag na "case-to-case per hospital based discussions".