NAGA CITY - Agaw-pansin ngayon ang dalawang tricycle driver sa Mayoral Awards kaugnay sa pagdiriwang ng 66th Charter Anniversary ng lungsod ng Naga.
Ibinigay kasi kina Aldrex Estanislao at Jason Federis ang Lt. Delfin C. Rosales Award dahil sa ipinakitang katapatan ng mga ito.
Nabatid na si Estanislao ang matapat na tricycle driver na nagsauli noong Oktubre 2013 ng isang wallet na naiwan ng kanyang pasahero na may lamang pera at tseke na nagkakahalaga ng mahigit P500,000.
Bago ito, nagsauli na rin siya ng isang attache na may lamang P35,000 na cash at tsekeng nagkakahalaga ng P1.5 million.
Labis na hinangaan si Estanislao dahil sa katapatan nito sa kabila ng hirap sa pagtataguyod ng kaniyang 11 mga anak.
Si Federis naman ay hindi tumigil hangga't hindi nahanap ang kanyang babaeng pasahero na nagtatrabaho sa National Irrigation Administration o NIA na nakaiwan ng isang wallet na may lamang malaking halaga ng pera.
Ang Lt. Delfin Rosales Award ay ibinibigay sa mga taong nagpakita ng kabayanihan, tapang at katapatan.
Magugunitang si Lt. Rosales ay isang sundalo noong panahon ng mga Hapon na sumalo sa balang para sana sa kaniyang kasamahan.