ESCALANTE CITY - Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR upang matukoy ang may-ari ng endangered shells na nasabat sa isang puwerto sa lalawigan ng Negros Occidental.
Umabot sa 92 na kahon ng endangered shells ang nakumpiska ng BFAR Provincial Office sa kanilang inspeksyon sa Barcelona Port sa Escalante City.
Laman ng mga kahon ang 3,000 na helmet shells o budyong kung saan umaabot sa P300 hanggang P500 ang halaga ng bawat shells kung ibibenta.
Ang helmet shells ay itinuturing na endangered at ang pangunguha nito ay isang paglabag sa Fisheries Code of 1998.
Ang naturang shells ay kadalasang ginagamit sa paggawa ng ornaments at ilaw.
Sinampahan na ng kaso ng BFAR ang cargo forwarder ng nakumpiskang mga shells ngunit di pa natukoy ang nagmamay-ari na nagpadala nito.