CADIZ CITY - Patay ang tatlong magkakapatid na paslit matapos nasunog ang kanilang bahay sa lungsod ng Cadiz, Negros Occidental.
Kinilala ang mga biktima na sina Princess, 6-anyos; Jia Marie, 3-anyos; at Joshua, 1-anyos at residente ng Sitio Aluyan, Brgy. Caduhaan, Cadiz City.
Sa imbestigasyon, iniwan umano ng mag-asawa ang kanilang tatlong anak sa kanilang bahay para manguna ng alamang sa ilog na di naman kalayuan mula sa kanilang bahay upang may maiulan sana sa kanilang hapunan.
Napag-alaman na katatapos lang magsaing ang mag-asawa at may baga pa umano na naiwan na siyang pinaniniwalaan na nilipad ng hangin na tumama sa sakong dingding ng bahay.
Yari lamang sa kawayan, nipa at sako ang bahay kaya mabilis na kumalat ang apoy.
Tumagal ng isang oras bago nakabalik ang mag-asawa at kanilang nadatnan ang tatlong mga anak na halos abo at uling na ang iba't-ibang bahagi na katawan dahil sa pagkasunog.