HINOBAAN - Umaabot sa halos 500 na illegal logs sa kagubatan ng Negros Occidental ang nadiskubre ng Provincial Environment and Natural Resources.
Ayon kay PENRO Andres Untal, tinatayang umabot sa 1,000 cubic meter ang volume ng mga pinutol na kahoy o katumbas ng 100 truck kung ito ay ita-transport.
Ang mga century old na kahoy na lawaan ay pinaniniwalaan na dalawang taon ng pinutol sa kagubatan sa Brgy. Damutan sa bayan ng Hinobaan ngunit hindi nakuha sa lugar dahil sa kahirapan sa pagbaba at pag-transport nito.
Batay sa pagsisiyasat ng PENRO ay sa ilog idinadaan sa pamamagitan sa pagpapa-anod sa tubig ang mga kahoy papunta sa Brgy. Kulipapa sa nasabing bayan.
Sa nasabing barangay naman umano nadiskubre na ginagawang boat hull ang naturang mga kahoy upang maibenta.
Ayon kay Untal, apat katao na ang kanilang sinampahan ng kaso kaugnay sa illegal logging matapos nakita sa kanilang posisyon ang mga kahoy na iligal na pinutol sa kagubatan.