Kontaminado ng salmonella bacteria ang itlog na maalat na nakain ng halos 40 katao na nabiktima ng pagkalason mula sa ilang bayan sa Eastern Pangasinan.
Kinumpirma mismo ito ni Provincial Health Officer Dr. Ana Marie De Guzman, matapos lumabas ang resulta sa isinagawang pagsusuri sa samples mula sa mga itlog na maalat na nakain ng mga pasyente.
Sa ngayon ay masusi ng iniimbestigahan ng mga kinauukulan kung sino ang posibleng may kapabayaan sa pangyayari na posibleng papanagutin.
Una rito, pare-parehong dumaing ng pagnanakit ng tiyan, diarrhea at pagsusuka ang mga pasyenteng naospital na karamihan ay galing sa bayan ng San Nicolas, Villasis at Sta. Maria.
Nananatili namang bawal ang pagbebenta at pagbili ng itlog maalat sa mga nasabing lugar.