Nananatili pa ring pangunahing problema sa bansa ang forced labor at sex trafficking sa mga kalalakihan, kababaihan at mga bata.
Ayon kay Secretary of State John F. Kerry, aabot na sa 20 milyon ang biktima ng nasabing krimen sa buong mundo kung saan 44,000 lang na survivors ang nabigyang pansin.
Sa Pilipinas na nabibilang pa rin sa tinatawag na Tier 2 ng Amerika, nakasaad na dahil sa mga kalamidad na nangyayari, napipilitan ang mga kabataan sa mga rural communities na pwersahang magtrabaho sa mga maliliit na factories, at ang nakakabahala umano ay ang pagkakaroon ng sex trafficking sa mga lugar sa Manila, Cebu, Angeles, at sa mga lungsod sa Mindanao.
Maliban dito, nagaganap din ang nasabing krimen sa urban areas at tourist destinations gaya ng Boracay, Olongapo, Puerta Galera at Surigao.
Dumarami rin ang nagiging biktima ng cybersex kung saan nagpapabayad ang mga ito kapalit ng pagpapakita ng kanilang katawan sa mga foreign viewers.
Ang pagdami ng nasabing kaso ay dahil na rin sa kakulangan ng ideya ng mga opisyales ng gobyerno lalo na sa local level kung paano idetermina ang isang kaso.
Maliban dito, napag-alamang ang mga corrupt officials sa gobyerno at mga law enforcers ay tumatanggap din ng bayad o sexual service sa mga establishment kung saan sila magpapatupad ng raid.
Lumalabas din sa report na nagpapatupad ang mga pulis ng indiscriminate o fake raids sa commercial sex establishments kapalit ng suhol mula sa mga managers, clients, at mga biktima sa sex trade.
Dahil dito gumagawa ngayon ng hakbang ang Inter-Agency Council Against Trafficking o IACAT sa tulong ng Department of Social Welfare and Development o DSWD para masolusyunan ang nasabing problema.
Tinukoy din sa report ng US State Department na aabot sa 178 joint rescue operations ang ipinatupad ng DSWD at nailigtas ang 1,824 na biktima ng trafficking at binigyan ang mga ito ng medical services, legal assistance at masisilungan.
Sa ngayon naglaan na rin ang gobyerno ng P24 milyong piso para sa recovery at reintegration program para sa mga biktima ng human trafficking.