Paiigtingin ng bagyong Ester ang hanging habagat, kahit nakalabas na ito ng Philippine Area of Responsibility o PAR.
Ang habagat ay hanging nagmumula sa West Philippine Sea na may kakayahang magdala ng mga pagbaha at pagguho ng lupa kung magpapatuloy.
Dahil dito, pinaghahanda ng Pagasa ang mga may isasagawang aktibidad sa mga parke ngayong araw kaugnay ng 116th Independence Day celebration.
Paliwanag ng Pagasa, kahit malayo na ay lumakas naman bilang tropical storm ang bagyong Ester kaya mas maraming kaulapan mula sa kanlurang bahagi ng ating bansa ang nahahatak nito.
Magugunitang habagat din ang nagdala ng baha sa malaking bahagi ng Luzon noong mga nakaraang taon dahil sa tuloy-tuloy na pagbuhos ng ulan.
Sa ngayon ay wala pang ibang sama ng panahon na nabubuo sa loob ng PAR.