Hindi na umano papasok sa Philippine Area of Responsibility o PAR ang Tropical Storm 'Hagibis' na nasa West Philippine Sea.
Ito ang sinabi ngayon ng Pagasa, kasunod ng patuloy na paglayo ng naturang sama ng panahon.
Nilinaw din ng Pagasa na kahit Filipino name ang taglay ng nasabing bagyo, hindi naman ang State Weather Bureau ang nagbigay ng nasabing pangalan.
Magugunitang una nang sinabi na Florita ang itatawag nila sa susunod na bagyong papasok sa karagatang sakop ng Pilipinas, alinsunod sa kanilang sariling talaan.
Nabatid na ang Hagibis ay kontribusyon ng Pilipinas sa listahan ng mga pangalan ng bagyo para sa buong mundo para sa taong 2014.
Kaugnay nito, paiigtingin naman ng bagyong Hagibis ang hanging habagat kaya mananatiling lantad sa malalakas na pag-ulan ang malaking bahagi ng Luzon hanggang sa mga susunod na araw.