BAGO CITY - Matagumpay na nabunot ng kapulisan sa lungsod ng Bago, Negros Occidental ang umaabot sa 50 puno ng marijuana sa isang plantation area sa nasabing lungsod.
Tinatayang nasa anim na talampakan na ang taas ng tanim na mga marijuana na malapit sa taniman ng palay sa Purok Abacca, Sitio Pataan, Brgy. Mailom, Bago City.
Ang plantation ay unang nadiskubre ng mga tauhan ng Philiippine Army na nagsasagawa ng routine patrol sa naturang lugar.
Kanila itong ipina-alam sa mga barangay official na siyang nag-report naman sa pulisya.
Kahapon ay pinuntahan ng mga pulis ang lugar at ng naverify na marijuana talaga ang mga tanim ay kanila itong binunot.
Patuloy pang inaalam ng pulisya ang nagmamay-ari ng plantation dahil batay sa kanilang impormasyon ay sakop ng CARP ang naturang lupain at malayo na naman ito sa mga kabahayan.
Maliban sa fully grown marijuana plants ay nakarekober na rin ang mga pulis ang mga binhi o seedlings, buto ng marijuna at isang supot ng dried marijuana leaves sa naturang lugar.