Binatikos ngayon ng Pilipinas ang bansang China sa paglabas ng panibagong mapa na inaangkin maging ang mga pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.
Prominenteng makikita sa bagong lathalang mapa ng China ang South China Sea na minarkahan ng ten-dash line para makita ang bahagi ng karagatan na umano'y bahagi ng teritoryo nito.
Bukod sa sumasakop ito sa exclusive economic zone o EEZ ng Pilipinas, sumasakop din ito sa mga teritoryong inaangkin din ng Vietnam, Malaysia at Brunei.
Hindi ito ang unang pagkakataong gumamit ang China ng mapa para igiit ang mga inaangking teritoryo.
Matatandaang nag-imprenta rin ito ng mapa sa Chinese passport na nagpapakita rin ng pagsakop nito sa mga pinag-aagawang teritoryo sa rehiyon.
Sa panig naman ng Pilipinas, iniakyat na ng pamahalaan sa International Tribunal on the Law of the Sea o ITLOS ang kaso para pormal na kilalanin ang pagmamay-ari nito sa West Philippine Sea na inaangkin din ng China.
Binanatan naman ng Pilipinas ang "10-dash line map" ng China.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, ang bagong mapa na ito ng bansang China ay patunay lang ng hindi makatwiran na pag-angkin sa mga teritoryo na pinag-aagawan ng mga bansa.
Ambisyoso umano ang pag-angkin na ito ng bansang China na lalo nang nagpapadagdag sa tensyon sa disputed territories.
Umaasa na lamang ang Pilipinas na maging pabor dito ang resulta ng arbitration case na isinampa sa International Tribunal laban sa bansang China.