Inaabangan ngayon ng Malacañang maging ng oposisyon ang major announcement ni Sen. Miriam Defensor-Santiago sa susunod na linggo na sinasabing may kinalaman sa 2016 Presidential Elections.
Lumabas kasi ang haka-haka na maaring bitbitin ng Liberal Party o LP ni Pangulong Noynoy Aquino bilang standard bearer si Santiago dahil hanggang sa ngayong ay wala pang direktang tinutukoy ang administration party kung sino ang magiging manok nito sa darating na halalan.
Bagamat alam ng nakararami na si DILG Sec. Mar Roxas ang kaisa-isang presidential bet ng Malacañang na nagpapalutang ngayon.
Pero ayon kay Navotas Rep. Toby Tiangco na siyang United Nationalist Alliance o UNA secretary general, hindi masabi-sabi ng diretsahan ng Malacañang kung sino ang kanilang magiging standard bearer kaya't lumalabas na may problema sila sa pagiging manok kay Roxas.
Gayunman hindi masabi ni Presidential Communication Sec. Sonny Coloma, kung may posibilidad na gawing manok ni Pangulong Aquino si Sen. Santiago sa 2016 elections sa halip sinabi nitong nakatutok ang administrasyon ngayon sa pagpapatupad ng mga reporma at proyekto sa pamahalaan.
Kamakailan lamang ay inanunsyo ni Santiago ang kanyang pagbitiw sa pwesto bilang International Criminal Court o ICC Judge dahil sa karamdaman na chronic fatigue syndrome, habang hindi na rin dumadalo sa sesyon ng Senado bunsod ng maselang kalusugan, ngunit sa Hulyo 2 ay may malaking i-anunsyo raw ang senadora.
Kaya ayon sa Malacañang, mainam na hintayin na lamang kung ano ang magiging announcement ng senadora.
Sa kabilang banda, hayagan na rin ang kandidatura ni Vice President Jejomar Binay para tumakbo sa pampanguluhang halalan.
Sina Sen. Alan Peter Cayetano at Sen. Antonio Trillanes IV ng Nacionalista Party o NP ni dating Sen. Manny Villar ay nagpapalutang na rin para tumakbo sa mas mataas na posisyon, habang umuugong din ang balita kina Sen. Bongbong Marcos at Sen. Grace Poe ngunit sa ngayon kanya-kanyang tanggi na nagbabalak sa pampanguluhang halalan.