ILOG, NEGROS OCCIDENTAL - Patay ang School President at dating konsehal ng bayan ng Ilog, Negros Occidental matapos barilin ng riding in tandem kagabi.
Isinugod pa ang biktima na si Edmund Turk Vail sa Kabankalan District Hospital ngunit binawian rin ng buhay.
Dating 3-termer councilor sa nasabing bayan si Vail at ngayon ang General Manager ng Dangcalan Ilog Water District at Presidente ng Dangcalan Private Academy.
Ayon kay Police Inspector Renante Salgado, nangyari ang insidente dakung alas-8:10 kagabi habang nag-iinuman ang biktima kasama nito ang dalawang mga kaibigan sa isang tiyangge sa Brgy. Dangcalan.
Bigla na lamang lumapit ang isa sa dalawang suspetsado na naka-motorsiklo at pinagbabaril ng ilang beses ang biktima gamit ang 45 caliber pistol.
Natamo ng isang fatal na sugat sa ulo at apat na tama ng bala sa katawan ng biktima na agarang niyang pagkamatay.
Patuloy pa ngayon ang imbestigasyon ng kapulisan sa krimen lalo na ang pagkilala sa mga nakatakas na suspetsado at motibo sa likod nito.