Gumastos ang Department of Education o DepEd ng mahigit sa P20-Milyon para lamang sa lababo o hugasan ng kamay sa mga eskwelahan.
Dahil para kay Quezon City Rep. Winston Castelo, kwestyonable ang proyektong ito, isinulong niya na ito ay imbestigahan ng Kamara.
Giit pa ng kongresista sa inihaing House Resolution 736 na dapat mahimay kung bakit gumastos ang DepEd ng P22.6-Milyon para sa lababo ng mga paaralan na wala naman aniyang sapat na suplay ng tubig.
Isinusulong ni Castelo sa House Committee on Basic Education and Culture na siyasatin ang natuklasang ito ng Commission on Audit.
Base sa COA report na inilabas ngayong 2014, P22.684-Milyon ang ginugol ng DepEd para magpagawa ng hand-washing facilities sa mga paaralan sa Misamis Oriental, Biliran, Navotas at Malabon nitong 2012.
Ngunit nang inspeksyonin ng mga taga-COA, nabatid nilang hindi nagagamit ang mga hugasan ng kamay dahil walang sapat na tubig sa mga eskwelahan, ang iba ay wala ring electrical connection, sira na ang gripo at tubo at sira na rin ang hand-washing counter.
Nakasaad pa sa report na 25 eskwelahan sa Misamis Oriental ay apat lamang ang hand-washing facility na nagagamit habang ang 84-porsyento nito ay ng walang silbi.