Tumataginting na P150,000 “savings” ang natangay sa isang doktor matapos itong mai-withraw sa kanyang Automated Teller Machine o ATM Card ng hindi nakikilalang “hacker” sa tatlong magkakahiwalay na petsa sa Maynila.
Sa reklamo ng biktimang si Rafael Chan, 41-anyos, doktor, ng 531 Asuncion St., Binondo, Maynila sa tanggapan ng Manila Police District-General Assignment Investigation Section o MPD-GAIS, nawalang parang bula ang kanyang pera sa ATM.
Ayon kay Chan, ibineripika nito ang laman ng kanyang ATM sa Land Bank malapit sa SM Manila at dito niya nadiskubre na na-withdraw na ang kanyang savings.
Huli umanong naglabas ng pera sa ATM ang doktor sa Eastwest sa Mall of Asia kung saan naiwan pa sa kanyang ATM ang halagang P234,171.18.
Gayunman, nalaman ni Chan na nagkaroon ng hindi awtorisadong withrawals sa kanyang ATM noong Hunyo 3, 4 at 5 na tig-P50,000 na ginawa sa iba’t ibang ATMs.