Naging usap-usapan ang pagkahuli ng dating Boxing Champion na si Rey ''Boom-Boom'' Bautista ng matapos umanong umihi sa pampublikong lugar sa lungsod ng Cebu.
Ayon sa Cebu City Environment Sanitation and Enforcement Team o CESET, sinabi na naaktuhan ng kanyang tauhan si Boom-Boom na nakatalikod at nakaharap sa isang pader sa may North Reclamation Area, lungsod ng Cebu.
Nang maaktuhan, agad hinuli si Bautista at sinabihang lumabag ito sa City Ordinance 1361 o ang Anti-Littering Ordinance.
Umalma pa umano ang Boholano Boxer na mabigyan ng citation ticket para hindi na dalhin sa opisina ng ahensya.
Si Bautista ay may multang P500 at sa loob ng pitong araw kailangang mabayaran ito sapagkat kung hindi matutugunan ay maaari na siyang kasuhan sa korte.
Si Bautista ay dating WBO International Featherweight Champion pero natalo siya kay Jose Ramirez noong Abril 20, 2013 via split decision.