Panibagong mga seismic station ang ilalagay ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o Phivolcs sa bayan ng Tupi at T'boli, South Cotabato upang mapalakas pa ang monitoring sa dalawang aktibong bulkan.
Inihayag ni Nane Danlag, acting head ng Philvocs na isinasapinal na ang paglalagay ng dagdag na dalawang seismic station sa Barangay Miasong ng bayan ng Tupi at Barangay Salacafe sa bayan ng T'boli.
Ayon kay Danlag, malaking tulong ito sa operasyon ng dalawang "unmanned stations" sa lugar at sa kanilang main facility sa Mindanao State University sa General Santos City.
Ang nasabing mga unmanned seismic stations ng Phivolcs ang matatagpuan sa Sitio Alnamang, Barangay Palkan sa Polomolok at Barangay San Jose, Gensan na siyang nagbabantay sa aktibidad ng Mt. Matutum at Mt. Parker.
Dagdag pa nito na makakatulong ang nabanggit na mga seismic stations sa kanilang motoring at data gathering mula sa dalawang bulkan.
Kaugnay nito ang pangambang idinulot ng Phivolcs sa mga mamamayan sa lalawigan dahil sa balitang aktibo at may posibilidad na sasabog ang mga ito at magdudulot ng malaking pinsala.