Wala umanong balak si Miami Heat Coach Erik Spoelstra na magluksa mula sa masaklap na pagkatalo sa San Antonio Spurs sa NBA Finals.
Bagama't aminado ang Fil-Am Coach na malalim ang sakit at pagkadismaya na nararamdaman ngayon ng kaniyang buong koponan.
Ngunit mas nakatuon umano ngayon ang pansin niya sa nalalapit na NBA draft kaysa magmukmok.
Hindi rin umano iniisip ni Spoelstra ang posibleng pagiging free agent ng kaniyang "Big 3" na sina LeBron James, Dwyane Wade at Chris Bosh.
Una nang sinabi ni LeBron James na magbabakasyon muna ito bago magdesisyon kung mananatili sa koponan na nagbigay sa kaniya ng dalawang kampeonato.
Samantala, posibleng kompleto pa rin umano sa pagbabalik sa susunod na NBA season ang kampeon na San Antonio Spurs.
Umabot kasi sa anim na mga players kasama na ang main man ng Spurs na si Tim Duncan ang magiging free agents dahil sa pagtatapos ng kontrata.
Pero tiyak umanong hindi pakakawalan ng management si Duncan.
Kumpiyansa naman si Manu Ginobili na karamihan pa rin sa kanyang mga kasama ay babalik sa team.
Ang nasabing mensahe ay nagpapakita umano na target pa rin ng Spurs ang ika-anim na NBA Championships.
Naging emusyonal naman ang pagkikita-kita muli ng mga players.
Sinasabing nagbigay umano ng mensahe si Manu na mangiyak-ngiyak at labis ang pagpapasalamat sa mga kasama.
Nakatakda namang magdesisyon ang Argentinian star kaugnay sa kahihinatnan ng kanyang career sa Spurs sa pagtatapos ng Linggong ito.
Sa kaso naman ng star point guard na si Tony Parker, kahit wala itong garantiya na kontrata, mas lalo umanong hindi ito pakakawalan ng team.