CADIZ CITY - Sa loob ng 24 oras, ipinalilibing ang bangkay ng Pinay nurse na namatay dahil sa Middle East Respiratory Syndrome Corona Virus o MERS-CoV sa Riyadh, Saudi Arabia.
Ito ang habilin ng mister ng biktima na taga- Cadiz City, Negros Occidental, na batay na rin sa abiso ng Hospital Director ng pagamutan na pinagtatrabahuhan ng kanyang misis.
Maliban dito, hindi na rin maaaring buksan pa ang kabaong para silipin ang bangkay nito.
Namatay ang biktima noong Mayo 6, 2014 pero mga dalawang buwan pa bago maiuwi sa Pilipinas dahil kailangan munang i-freeze ito para mamatay ang mga virus sa katawan ngunit sa kabila nito ay ipinagbabawal pa ring buksan ang kabaong.
Ang nurse ay nahawaan ng virus mula sa kanyang kaibigan na kanyang inalaagan ngunit huli na nang na-diagnose na positibo ito sa MERS-CoV.
Kahit tanggap na ang nangyari, inamin ng mister ng biktima na nangungulila pa rin sila ng kanyang 13-anyos na anak na babae dahil hindi na nila maririnig ang boses ng kanilang mahal sa buhay kapag tumawag sa telepono at naglalambing sa kanila.
Napag-alaman na kung hindi namatay, ngayong Hunyo 25 na sana ang bakasyon nito at tutuloy na sa bago nilang bahay.